Binigyang-diin ng isang labor lawyer ang karapatan ng mga manggagawa sa pribadong sektor na makatanggap ng 13th month pay alinsunod sa Presidential Decree No. 851, sa gitna ng nalalapit na kapaskuhan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Chelsea Liao-Ariza, Labor and Property Lawyer, sinabi nito na saklaw ng nasabing benepisyo ang mga empleyadong nakapagtrabaho nang hindi bababa sa isang buwan sa loob ng taon, anuman ang kanilang employment status.

Ayon kay Liao-Ariza, nakabatay ang pagkukuwenta ng 13th month pay sa kabuuang basic salary na natanggap ng empleyado sa loob ng isang taon, na hahatiin sa 12.

Nilinaw nito na hindi kabilang sa computation ang overtime pay at iba pang bonus, habang isinasama naman ang mga araw ng paid leave.

Advertisement

Binigyang-diin din ng abogado na obligasyon ng mga employer na ibigay ang nasabing benepisyo sa lahat ng kwalipikadong empleyado, anuman ang laki o kalagayang pinansyal ng kumpanya.

Samantala, hindi maaaring ipagkait ang 13th month pay sa mga empleyadong nagbitiw o tinanggal sa trabaho. Sa halip, nararapat pa rin silang makatanggap ng kaukulang prorated na halaga bilang bahagi ng kanilang final pay.

Alinsunod sa batas, dapat maibigay ang 13th month pay bago o sa Disyembre 24 ng bawat taon. Kung hindi ito naibigay o kulang ang halagang natanggap, maaaring unang idulog ng mga manggagawa ang usapin sa kanilang employer o human resources department at, kung hindi maresolba, humingi ng tulong sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Hinimok nito ang mga employer na tiyakin ang tama, malinaw at napapanahong pagkukuwenta at pagbibigay ng 13th month pay upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan at posibleng paglabag sa karapatan ng mga manggagawa.

Advertisement