NAGA CITY- Nakumpiska ng mga awtoridad ang nasa P340,000 na halaga nang pinaghihinalaang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Camarines Norte.

Kinilala ang suspek na si Leo Marcos Asistio Jr., 37-anyos, residente ng Sitio Banaba, Barangay Inchican, Silang, Cavite.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Regional Police Office V, napag-alaman na nakumpiska sa suspek ang isang knot-tied transparent plastic sachet ng nasabing iligal na droga na nasa 45 grams at isa pang piraso nang heat-sealed transparent plastic sachet na nasa 5 grams, gayundin ang isang caliber 38 revolver na baril.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, tinatayang aabot sa 50 grams ang nabanggit na mga iligal na droga at nagkakahalaga ng nasa P340,000.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang kaparusahan.