Natanggap na ng Senado ngayong Lunes, Mayo 18, ang suspension order laban kay Senate Acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca at subpoena para sa CCTV footage ng naganap na barilan sa Senado noong Mayo 13, ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano.

Ayon kay Clavano, kinumpirma ang pagtanggap matapos mamataan ang dalawang personnel mula sa Office of the Ombudsman sa loob ng Senado nitong umaga ng Lunes.

Matatandaang nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” C. Remulla na tumanggi umano ang Senado na tanggapin ang subpoenas para sa CCTV footage at iba pang dokumento kaugnay kay Aplasca.

Si Aplasca ay isinailalim sa anim na buwang suspensiyon nang walang sahod habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Ombudsman.

Advertisement

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Ombudsman ang insidente ng pamamaril sa ikalawang palapag ng Senado noong nakaraang linggo, kung saan inamin ni Aplasca na siya ang unang nagpaputok ng warning shot sa gitna ng komprontasyon sa isang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), na bahagi umano ng kanyang “rules of engagement.”

Advertisement