Isinalang ngayong Hulyo 13, 2026, ang ikalawang testigo ng prosekusyon sa ikaapat na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Humarap sa impeachment court si Atty. Jeremy Lotoc, Regional Director ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ipinatawag si Lotoc upang tumestigo kaugnay ng Article IV (Grave Threats) ng impeachment complaint. Ang naturang artikulo ay nakatuon sa naging pahayag ni VP Sara noong Nobyembre 2024 hinggil sa umano’y plano ng pagpapapatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Bilang opisyal at imbestigador ng NBI, inaasahang kikilalanin at patutunayan ni Lotoc ang pagiging lehitimo ng affidavit ng imbestigasyon at ng mga video clips na nakalap ng kawanihan bilang bahagi ng ebidensiya.
Layunin ng prosekusyon na gamitin ang kanyang testimonya upang patunayan na ang mga naging pahayag ng Pangalawang Pangulo ay aktuwal na naganap, seryoso, at may sapat na batayan upang suportahan ang mga alegasyon ng grave threats at inciting to sedition.
Ang pagharap ni Lotoc ay nagpapatibay sa naunang testimonya ng unang saksi ng prosekusyon na si NBI Senior Agent John Mark Calilung, na nag-authenticate sa mga digital recording ng press conference ni VP Sara.








