Inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng tatlong bilang ng grave threat at isang bilang ng inciting to sedition laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y pagbabanta sa matataas na opisyal ng pamahalaan.

Kabilang sa umano’y pinagbantaan ng Bise Presidente sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Hindi tinanggap ng NBI ang paliwanag ni Duterte na “conditional” lamang ang kanyang naging pahayag na may kaugnayan sa pagbabanta ng pagpatay. Ayon sa ahensya, malinaw umano sa konteksto ng kanyang mga sinabi ang intensyon na manakot at magpahiwatig ng seryosong banta.

Bukod dito, inirekomenda rin ng NBI ang kasong inciting to sedition kaugnay ng mga naging pahayag ni Duterte noong Oktubre at Nobyembre 2024 sa isang online press briefing, kung saan binanggit umano nito ang matinding galit sa pamahalaan at ilang opisyal.

Advertisement

Sa affidavit ng NBI, nakasaad na ang mga pahayag ng Ikalawang Pangulo ay maaaring mag-udyok ng pagkadismaya sa gobyerno at magtulak sa publiko na kumilos laban sa mga awtoridad, na maituturing na pag-uudyok sa sedisyon.

Ayon naman sa ilang miyembro ng House Committee on Justice, maaaring magsilbing mahalagang ebidensya ang nasabing affidavit sa nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Duterte.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang Office of the Vice President hinggil sa rekomendasyon ng NBI, habang patuloy namang hinihintay ang reaksyon ng kampo ng Bise Presidente.

Advertisement