Nagpositibo sa gunpowder residue ang isang volunteer ng National Bureau of Investigation (NBI) na inaresto kaugnay ng naganap na pamamaril sa loob ng Senado, ayon sa Southern Police District (SPD) nitong Linggo ng gabi.
Ayon kay SPD Public Information Office chief Police Lt. Margaret Panaga, batay sa isinagawang pagsusuri, “positive sa presence of gunpowder” ang suspek na kinilala sa alyas na “Mel Oragon.”
Inaresto ang suspek matapos ang insidente at isinailalim sa inquest proceedings dahil sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, alarm and scandal, direct assault, trespass to property, at paglabag sa security protocols ng Senado.
Matatandaang naganap ang insidente noong Miyerkules ng gabi sa ikalawang palapag ng Senado habang umiiral ang lockdown, na nagdulot ng takot at kaguluhan sa loob ng gusali.
Batay sa paunang imbestigasyon, isang hindi pa tukoy na kalibre ng baril ang ginamit umano ng suspek sa pagpapaputok ng ilang ulit sa loob ng Senate compound sa GSIS area bandang alas-7:50 ng gabi.
Dahil dito, binalot ng tensyon ang loob ng gusali habang isinasagawa ang operasyon ng mga awtoridad.
Samantala, iginiit ng abogado at asawa ng suspek na isa lamang itong driver ng isa sa mga NBI operatives at hindi regular na empleyado ng ahensya.














