Tiniyak ni Senate President Alan Peter Cayetano na isasagawa ang isang “no holds barred” at walang kinikilingang imbestigasyon sa insidente ng pamamaril at tensyon sa loob ng Senado nitong Miyerkules ng gabi, kasabay ng pagtiyak na ligtas ang lahat ng senador kabilang si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa isang press briefing kasama si Interior Secretary Jonvic Remulla, sinabi ni Alan Peter Cayetano na paiigtingin ng Senado ang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang nasa likod ng mga putok na narinig sa ikalawang palapag ng gusali habang naka-lockdown ang institusyon.
Giit ni Cayetano, maingat nilang iniiwasan ang paglalabel sa mga “suspek” upang hindi makabuo ng konklusyon habang nagpapatuloy pa ang beripikasyon ng impormasyon.
“We’ll stop at the word suspect kasi pag nilabel namin yun, mayroon nang conclusion,” ani Cayetano, sabay sabing nakikipag-ugnayan sila sa Department of the Interior and Local Government sa pamamagitan ni Remulla para sa masusing imbestigasyon.
Ayon kay Jonvic Remulla, patuloy ang pag-sweep ng mga awtoridad sa bawat palapag ng Senado at GSIS building upang tiyakin na walang banta sa seguridad at matukoy ang lahat ng taong nasa loob noong insidente.
“We are sweeping all the floors. We will investigate each and every person that are not essential here,” pahayag ni Remulla.
Binanggit din ni Cayetano na tiniyak ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang opisyal ng pamahalaan na magiging independiyente at patas ang imbestigasyon sa pangyayari.
Ayon pa sa Senate President, ligtas si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa loob ng Senado at walang isisilbing warrant of arrest laban sa kanya sa gitna ng umiiral na tensyon.
“He has been informed of our activities… we assured him there is no warrant of arrest to be served,” ani Cayetano, na binigyang-diin din ang pangangalaga sa integridad ng institusyon.
Patuloy ang imbestigasyon habang nananatiling mahigpit ang seguridad sa paligid ng Senado kasunod ng insidenteng nagdulot ng alarma at lockdown sa gusali.














