Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ₱10 kada litro na fuel subsidy para sa mga public utility vehicle (PUV) operators at drivers upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng krisis sa Middle East.
Ayon sa Pangulo, ang fuel subsidy ay may cap na 150 litro kada linggo at ipatutupad sa loob ng tatlong buwan. Uumpisahan ito sa National Capital Region (NCR) sa susunod na linggo, partikular sa Commonwealth Avenue, at palalawakin sa iba pang pangunahing ruta sa Metro Manila bago ipatupad sa buong bansa.
Layunin ng programa na mapagaan ang gastusin ng mga tsuper at operator ng PUVs at maiwasan ang posibleng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pangunahing serbisyo.
Ipatutupad lamang ang subsidiya sa mga lehitimong gasoline station na aprubado at mino-monitor ng Department of Energy upang matiyak na maayos ang implementasyon at maiwasan ang pang-aabuso.
Kasabay nito, inanunsyo rin ang service contracting program ng Department of Transportation na magbibigay ng ₱40 hanggang ₱100 kada kilometro sa mga PUV operator at drivers. Saklaw nito ang humigit-kumulang 50,000 PUVs, 1,000 operators, at 15 milyong pasahero sa buong bansa.
Ayon sa programa, may 20% fare discount din para sa mga pasahero, habang gagamit ng GPS monitoring upang matiyak ang maayos at aktwal na biyahe ng mga sasakyan.
Sinabi rin ni Marcos na bahagi ng hakbang ng pamahalaan ang pag-secure ng sapat na suplay ng petrolyo habang sinasamantala ang pansamantalang ceasefire sa pagitan ng United States at Iran upang maiwasan ang posibleng kakulangan sa suplay ng langis.
Ayon sa mga ulat sa industriya ng langis, may posibilidad din ng bahagyang rollback sa presyo ng produktong petrolyo sa mga susunod na linggo kasunod ng pansamantalang paghupa ng tensyon sa Middle East.
Patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang epekto ng global oil crisis sa ekonomiya habang nagpapatupad ng mga hakbang upang protektahan ang sektor ng transportasyon at mga konsyumer.














