Tumestigo ang isang empleyado ng SYMS Construction sa Sandiganbayan na personal niyang inihatid ang kabuuang P299 milyong cash sa opisina ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant District Engineer na si Brice Hernandez.

Ayon kay Monica Ocampo-Santos, liaison officer ng SYMS Construction, inilagay ang pera sa mga kahon ng grocery at iniwan sa gilid ng mesa ni Hernandez, kung saan ito ay naka-bundle sa tig-P1,000.

Sinabi niya na ang naturang halaga ay kabayaran umano para sa limang government projects na nakuha ng SYMS gamit ang lisensyang ipinahiram kay Hernandez.

Kabilang sa kabuuang halaga ang P74 milyon na umano’y bahagi ng P92.8 milyong flood control project sa Pandi, Bulacan na pinaniniwalaang “ghost project,” at siyang sentro ng kasong malversation laban kay dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr., Hernandez, at iba pang opisyal ng DPWH.

Advertisement

Ibinunyag din ni Ocampo-Santos na ginamit nila ang mga lumang kahon ng toyo, noodles, junk food, at kape sa pagdadala ng pera, at may nakalagay na label sa bawat kahon kung magkano ang laman nito.

Sa pagdinig, ipinakita rin niya ang screenshots ng kanyang pag-uusap kay Hernandez noong Mayo 19, 2025, kung saan kinumpirma ang iskedyul ng paghahatid ng pera kinabukasan.

Samantala, kinuwestiyon ng abogado ni Hernandez ang kredibilidad ng testigo, ngunit tinutulan ito ng prosekusyon at kalaunan ay binawi rin ang tanong.

Dagdag pa ni Ocampo-Santos, ilang opisyal ng DPWH, kabilang si Hernandez, ang naging ninong sa kanyang kasal—isang kaayusan na ayon sa kanya ay hiling ng may-ari ng SYMS Construction na si Sally Santos.

Sa imbestigasyon, lumabas din na ang sinasabing flood control project sa Pandi, Bulacan ay walang makikitang konkretong istruktura at tanging mga kalawangin at halos hindi na makilalang sheet piles ang natagpuan sa lugar.

Ang pagdinig ay bahagi ng patuloy na paglilitis upang matukoy ang pananagutan ng mga akusado sa nasabing kaso.

Advertisement