Isinusulong sa House of Representatives ang panukalang magbibigay ng P7,000 monthly fuel subsidy sa mga manggagawa sa low-income sectors sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dahil sa nagpapatuloy na conflict sa Middle East.

Inihain ni Parañaque Rep. Brian Yamsuan ang House Bill 8340, na naglalayong magbigay ng subsidy sa mga nagtatrabaho sa farms, fisheries, public transport, agricultural production, at iba pang low-income sectors na direktang naaapektuhan ng mataas na fuel prices.

Ayon kay Yamsuan, makadadagdag ang panukala sa hiwalay na panukalang batas na nagbibigay kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendihin o bawasan ang excise tax sa fuel.

Sinabi ng mambabatas na may mga nauna nang panukala sa Kongreso para sa fuel subsidies ng mga fisherfolk, farmers, at public transport drivers, ngunit layunin ng kanyang panukala na pagsamahin ang mga ito sa iisang programa.

Advertisement

“Several measures have been filed in Congress seeking to provide fuel subsidies to specific sectors… This bill builds upon these efforts by integrating them into a single, comprehensive program that covers all sectors whose livelihoods are directly dependent on fuel,” ani Yamsuan.

Sa ilalim ng panukala, manggagaling ang pondo para sa subsidy sa General Appropriations Act, partikular sa mga alokasyon ng Department of Energy, Department of Transportation, Department of Agriculture, at Department of Social Welfare and Development.

Nakasaad din sa bill na ang mga tatanggap ng subsidy ay kailangang nakarehistro sa mga umiiral na government registries tulad ng database ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Municipal Fisherfolk Registration System, boat registry ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).

Ipinaliwanag ni Yamsuan na ipinapakita ng mga pag-aaral sa agriculture at fisheries sectors na ang subsidies ay nakatutulong upang mabawasan ang production costs ng maliliit na producers at mapanatili ang supply ng pagkain sa panahon ng price shocks.

Iminumungkahi rin ng panukala ang pagbuo ng Advisory Council na pamumunuan ng Secretary of Transportation upang regular na i-review at ayusin ang halaga ng cash subsidies kung kinakailangan.

Samantala, inanunsyo ng Malacañang noong Miyerkules ang pagbibigay ng P5,000 fuel subsidy para sa public transport drivers na apektado ng mataas na presyo ng langis, na ipamamahagi sa susunod na linggo.

Nilinaw naman sa House Bill 8340 na ang mga benepisyong ibibigay sa ilalim ng panukala ay hindi magbabawas o papalit sa mga kasalukuyang benepisyo at assistance na tinatanggap na ng transport workers, farmers, fisherfolk, at iba pang eligible beneficiaries mula sa national government at local government units.

Advertisement