Sinalakay ng mga otoridad ang isang pagawaan ng umano’y pekeng fertilizer sa Brgy. Sta. Isabel Norte, Ilagan City, na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang magsasaka na nakilalang si alyas “Roy,” ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Nanguna sa pagsisilbi ng search warrant ang CIDG Isabela Provincial Field Unit katuwang ang Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) at Bureau of Fire Protection (BFP) kaugnay sa paglabag sa Presidential Decree No. 1144.

Naabutan ang suspek sa loob ng kanyang bahay na umano’y ginawang laboratoryo, kung saan gumagawa ng pataba at pestisidyo na ibinebenta online.

Nakumpiska sa operasyon ang 19 na drum at dalawang lalagyan ng fermented seaweed chemicals, portable mixer, pump, weighing scale, guar gum, iba’t ibang hilaw na materyales, galon ng “cogent bio-stimulant,” mga lalagyan ng acid, at iba pang kagamitan na tinatayang nagkakahalaga ng P1.42 milyon.

Advertisement

Ayon sa mga awtoridad, walang rehistro at lisensya mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang mga nasabing produkto at kemikal.

Lumabas sa imbestigasyon na nagsimula umano ang operasyon ng ilegal na pagawaan noong 2024, kung saan ginagamit ang ikatlong palapag ng bahay bilang laboratoryo.

Nabatid din na nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng mga residente hinggil sa masangsang na amoy na nagmumula sa lugar.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Isabela ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya.

Advertisement