Mariing itinanggi ng Philippine Air Force (PAF) ang mga ulat na may naka-standby na eroplano sa Villamor Air Base upang dalhin si Senador Ronald dela Rosa sa The Hague kaugnay ng usapin sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay PAF Spokesperson na si Ma. Consuelo Castillo, nananatiling normal ang operasyon sa Villamor Air Base at wala silang natatanggap na opisyal na direktiba hinggil sa umano’y pagdadala kay Dela Rosa sa ICC.
Sinabi rin ni Castillo na nananatili lamang sa “white alert” status ang PAF, na nangangahulugang regular ang kanilang air at security operations.
Nilinaw din ng opisyal na walang anumang koordinasyong nagaganap sa pagitan ng PAF at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa posibleng transportasyon ng senador patungo sa The Hague.
Ang pahayag ng PAF ay tugon sa sinabi ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni Dela Rosa, na mayroon umanong nakahandang aircraft at composite team mula sa Philippine National Police (PNP) para sa pag-aresto sa senador.
Samantala, pinabulaanan din ni AFP Public Affairs Chief na si Xerxes Trinidad ang mga kumakalat na larawan online ng isang Gulfstream aircraft.
Ayon kay Trinidad, “inaccurate” ang naturang impormasyon at ang mga larawang ibinabahagi sa social media ay mula pa sa mga nakaraang insidente.
Hinimok din niya ang publiko na maging mapanuri at iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong balita.












