Hindi kaugnay ng Interpol red notice ang pag-aresto kay dating kongresista Zaldy Co sa Prague, kundi dahil sa paglabag sa immigration laws, ayon sa National Bureau of Investigation.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nahuli si Co matapos umano itong pumasok sa Czech Republic nang walang sapat na travel documents, at kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad doon.

Nauna nang inanunsyo ni Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakaaresto kay Co, na naharang din umano sa border ng Germany matapos magmula sa Czech Republic.

Sinabi naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla na posibleng maibalik sa Pilipinas si Co sa loob ng isang linggo hanggang isang buwan, depende sa magiging proseso.

Advertisement

Upang mapadali ang kanyang pagbabalik, dalawang opsyon ang tinutukoy ng pamahalaan: ang paglabas ng red notice ng Interpol na inapplyan pa noong Nobyembre 2025, at ang direktang koordinasyon sa Czech authorities para sa deportation.

Nahaharap si Co sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro na nagkakahalaga ng P289 milyon.

Nauna na ring naglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban sa dating mambabatas habang patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan upang mapauwi siya sa bansa.

Advertisement