Nagbigay ang Pag-IBIG Fund ng espesyal na benefits package para sa mga overseas Filipino workers na na-repatriate dahil sa tumitinding tensyon sa Middle East, kabilang ang maagang pag-access sa savings at loan relief measures.

Ayon sa ahensya, maaaring kunin ng mga kwalipikadong OFWs ang kanilang Pag-IBIG savings, kabilang ang buong contributions at dividends, kahit hindi pa naabot ang maturity period. Puwede rin nilang i-withdraw ang MP2 savings nang maaga.

Kasama rin sa relief measures ang tatlong buwang moratorium sa housing loan payments na walang interest at penalties, at tatlong buwang extension sa loan term.

Binigyang-diin ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling na layunin ng hakbang na maibsan ang financial burden ng mga OFWs na naapektuhan ng krisis sa rehiyon.

Advertisement

Ayon sa Pag-IBIG Fund, mabilis at accessible ang aplikasyon sa pamamagitan ng Virtual Pag-IBIG at mga tanggapan nito sa bansa at abroad. Tinatayang mahigit 891,000 OFW members sa Middle East, kabilang ang nasa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar, at Kuwait, ang maaaring makinabang sa programa.

Layunin ng programa na magbigay ng agarang financial support habang ang mga repatriated OFWs ay muling nag-aadjust at nag-iintegrate sa kanilang pamumuhay sa Pilipinas.

Advertisement