Photo © web

Tiniyak ng kampo ng mga biktima na ang pagkalas ni Atty. Nicholas Kaufman bilang lead counsel ng depensa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi magdudulot ng pagkaantala sa proseso ng kaso, sa kabila ng pagbabago sa legal representation.

Ayon kay Atty. Kristina Conti, kinikilala ng mga biktima ang karapatan ng akusado sa pagpili ng sariling abogado o “counsel of choice,” ngunit hindi ito nangangahulugan ng awtomatikong pagkaantala sa takbo ng paglilitis.

Nilinaw niya na ang pagpapalit ng abogado ay hindi nagre-reset ng mga nakatakdang proseso sa korte o nagbibigay ng panibagong legal na remedyo para sa akusado.

Sa panig ng depensa, tiniyak ni Nicholas Kaufman na ang bagong lead lawyer ay dadalo sa status conference na nakatakda sa Mayo 27, 2026.

Advertisement

Ayon kay Conti, mahalaga lamang na maipaalam ang posisyon ng mga biktima sa korte, ngunit hindi nila ito nakikitang dahilan upang maantala ang pag-usad ng kaso.

Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng kanilang mga common legal representatives, ipapaabot ng mga biktima ang kanilang pananaw at pangamba sa susunod na pagdinig.

Giit pa ng kampo ng mga biktima, ang kanilang pangunahing layunin ay ang agarang pagsisimula ng paglilitis nang walang karagdagang delay.

Advertisement