Prayoridad ng Pamahalaang Lungsod ng Naga ang agarang pagtatapos ng staging area at harapang bahagi ng Plaza Quince Martires bilang paghahanda sa mga aktibidad ng nalalapit na Peñafrancia Festival.
Sa pagharap sa mga kagawad ng Media ni Allen Reondanga-Head, CEPPIO , sinabi nito na ito ay alinsunod sa direktiba ni Mayor Leni Robredo upang matiyak na magagamit ang permanenteng entablado sa mga programa at maiwasan ang pagtatayo ng mga pansamantalang makeshift stage na nagdudulot ng dagdag na gastusin at nakasasagabal sa daloy ng mga tao at sa kabuuang kaayusan ng plaza.
Bagama’t hindi pa prayoridad ang pagsasaayos ng interior ng mga opisina at commercial areas, binigyang-diin na sapat nang maging handa ang harapang bahagi ng gusali upang magsilbing pangunahing venue ng mga aktibidad sa panahon ng pista.
Itinalaga na rin ang mga mamumuno sa ilang pangunahing programa ng Peñafrancia Festival. Pangungunahan ni Councilor Elmer Baldemoro ang Civic Parade, habang si Councilor Eugene Rosales ang mamamahala sa Boy at Girl Scouts activities. Si Councilor Nathan Sergio naman ang mangunguna sa Voyadores Festival.
Samantala, ang “Tagbuohan,” na nakatakdang idaos sa Setyembre kasabay ng Philippine Creative Industries Month (PCIM), ay pangungunahan nina Allen Reondanga at Jay Albudan sa pakikipagtulungan sa Department of Trade and Industry (DTI) upang maipakita ang husay at talento ng mga lokal na manggagawa sa creative industries.
May nakalaang ₱10 milyon para sa mga parada sa ilalim ng Special Purpose Appropriations, habang ₱2.5 milyon naman ang inilaan para sa Tagbuohan sa ilalim ng CEPPIO.
Dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, patuloy na nakikipag-ugnayan ang Sponsorship Committee sa pamumuno ni Atty. Nina Frances sa pribadong sektor upang makakuha ng karagdagang pondo para sa mga aktibidad ng Peñafrancia Festival.
Pinag-aaralan din ng pamahalaang lungsod ang muling pagbubukas ng dating ruta ng parada sa pamamagitan ng posibleng pag-alis ng ilang bench at iba pang amenities sa Plaza Quince Martires upang mapalawak ang espasyong magagamit ng mga deboto, kalahok, at manonood.
Kabilang sa mga susunod na hakbang ang pagtatapos ng rebisa sa budget bago ang Hulyo 30, pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento para sa 30-araw na advance processing, pagpapatuloy ng paghahanap ng sponsorship, at paghahanda sa plaza upang maging handa ito sa pagdagsa ng mga dadalo sa Peñafrancia Festival.
Ayon sa pamahalaang lungsod, layunin ng mga paghahandang ito na matiyak ang maayos, episyente, at ligtas na pagdaraos ng mga aktibidad kaugnay ng Peñafrancia Festival ngayong taon.













