Iginiit ni House Senior Deputy Minority Leader at ML party-list Rep. Leila de Lima na walang bigat sa impeachment proceedings ang mga pahayag ni Vice President Sara Duterte hangga’t hindi ito inilalahad bilang opisyal at sinumpaang testimonya.
Pahayag ito ni De Lima matapos igiit ni Duterte na legal ang kanyang mga ari-arian at wala siyang kinaharap na kasong kriminal sa panahon ng kanyang panunungkulan sa gobyerno.
Ayon kay De Lima, mananatiling “kwento” lamang ang mga pahayag ng Bise Presidente kung hindi ito ihaharap sa tamang proseso ng impeachment bilang sworn testimony.
Binigyang-diin ng mambabatas na sa mismong paglilitis dapat ilahad ni Duterte ang kanyang depensa at magpresenta ng ebidensya upang masagot ang mga alegasyon laban sa kanya.
Matatandaang nauna nang inilahad sa pagdinig ng House Committee on Justice ang mga findings ng Anti-Money Laundering Council hinggil sa umano’y “covered” at “suspicious” transactions sa mga bank account ni Duterte at ng kanyang asawa na si Manases Carpio.
Ayon sa ulat, naganap umano ang mga naturang transaksyon sa mga panahong idineklara ng Bise Presidente sa kanyang SALN na wala siyang cash o pera sa bangko.
Giit ni De Lima, hindi sapat ang mga pahayag sa press conference at media upang sagutin ang seryosong alegasyon.
Dagdag pa niya, kinakailangang direktang tugunan ni Duterte ang mga ebidensya at opisyal na findings laban sa kanya, lalo na’t may kalakip na umanong materyal na ebidensya ang mga paratang.













