Pinagbigyan ng prosekusyon ang hiling ng mga Villar at kanilang kumpanya na magkaroon ng karagdagang panahon sa paghahain ng kanilang ‘counter-affidavits’ kaugnay ng mga reklamong isinampa ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa Department of Justice (DOJ).

Sa unang preliminary investigation, itinakda ng panel ng mga piskal ang bagong palugit na higit isang buwan, kasunod ng orihinal na hiling ng mga abogado ng respondents na 15 araw lamang. Ayon kay Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong, isa sa mga isinasaalang-alang ang nalalapit na Semana Santa o Holy Week.

Itinakda ang susunod na preliminary investigation sa ika-20 ng Abril, at hinimok ang mga Villar at iba pang respondents na personal na manumpa sa harap ng panel, imbes na sa ibang piskal, upang masiguro ang integridad ng ‘counter-affidavits’.

Kabilang sa mga inirereklamo ng SEC ang Villar Land Holdings Corporation, Manuel Villar Jr., Cynthia Villar, Cynthia Javarez, Camille Villar, Mark Villar, at iba pa, sa mga kasong market manipulation, insider trading, at misleading disclosures.

Advertisement

Ayon sa prosekusyon, sapat na ang ibinigay na palugit para masusing mapag-aralan ng kampo ng mga respondents ang reklamong isinampa ng SEC at upang maiwasan ang abala kung wala ang ilang opisyal sa kanilang tanggapan.

Advertisement