Nababahala ang sektor ng agrikultura sa patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel na direktang nakaaapekto sa produksyon ng pagsasaka, lalo na sa operasyon ng irigasyon at sa presyo ng abono.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty Argel Cabatbat, Chairman, Magsasaka Partylist, sinabi nito na lumalala ang gastusin ng mga magsasaka dahil sa mataas na halaga ng petrolyo na ginagamit sa pagpapatakbo ng mga makinarya at sistema ng patubig.

Binatikos din ni Cabatbat ang Oil Deregulation Law dahil umano sa limitadong kakayahan ng pamahalaan na kontrolin ang presyo ng langis. Aniya, madalas na mas malaki ang ipinatutupad na pagtaas sa presyo ng petrolyo kumpara sa mga rollback, gaya ng halimbawa ng ₱20 na oil price hike laban sa ₱2 na bawas-presyo, na lalong nagpapabigat sa kalagayan ng mga magsasaka.

Kasabay nito, nagbabala rin siya tungkol sa posibleng epekto ng matinding El Niño sa suplay ng tubig para sa agrikultura. Maraming sakahan ang umaasa sa mga dam gaya ng Pantabangan Dam para sa irigasyon, ngunit bumababa ang lebel ng tubig dahil sa kakulangan ng ulan. Binigyang-diin niya na kahit may sapat na diesel, mahihirapan pa ring magpatuloy ang produksyon kung walang sapat na tubig para sa mga pananim.

Advertisement

Samantala, pinuri ang mga hakbang ng Department of Agriculture sa ilalim ni Secretary Laurel, kabilang ang pagpapatupad ng price cap sa imported na bigas at pagpapanatili ng makatwirang presyo ng palay. Gayunman, may mga panawagan na mas maingat na pamahalaan ang pagpasok ng imported na bigas upang hindi ito sumabay sa panahon ng anihan, na maaaring magdulot ng pagbaba ng presyo ng lokal na ani.

Ipinanawagan din ang pagrerepaso sa Oil Deregulation Law at agarang pagpasa ng National Land Use Act upang maprotektahan ang mga lupang sakahan. Bukod dito, hinihikayat ang mga magsasaka na magpatupad ng mga alternatibong sistema tulad ng solar irrigation at rainwater catchment projects bilang paghahanda sa matagal na tagtuyot, habang isinusulong ang mas maayos at patas na pamamahagi ng ayuda para sa mga magsasaka at mangingisda.

Advertisement