Kinumpirma ni Senate President Alan Peter Cayetano na tumawag sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Defense Secretary Gilbert Teodoro upang itangging sangkot ang mga pwersa ng gobyerno sa mga putok na narinig sa Senado habang ito ay nasa lockdown nitong Miyerkules ng gabi.
Sa isang Live, sinabi ni Alan Peter Cayetano na tiniyak ng Malacañang at ng Department of National Defense na hindi bahagi ng insidente ang alinmang government forces, kasunod ng tensyon sa loob at paligid ng Senado.
Ayon kay Cayetano, nagpatuloy ang pangyayari habang umiiral ang lockdown kaugnay ng ulat na may posibilidad na arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Ferdinand Marcos Jr. at Gilbert Teodoro ay umano’y nangako rin ng isang independiyenteng imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng mga putok at kung sino ang nasa likod ng insidente.
Ayon pa kay Cayetano, karamihan sa mga miyembro ng majority bloc ng Senado ay nasa kaniyang pangangalaga noong mga oras ng tensyon, habang si Dela Rosa ay nasa ika-limang palapag ng gusali.
Dagdag niya, sisilipin nila ang kalagayan ng senador kasabay ng pagpapatuloy ng imbestigasyon at koordinasyon sa mga awtoridad.
Giit pa ni Cayetano, hindi aarestuhin si Bato Dela Rosa sa gitna ng sitwasyon upang igalang ang umiiral na proseso ng Korte Suprema na humihiling ng komento mula sa mga kinauukulang panig kaugnay ng ICC arrest warrant.
Patuloy ang imbestigasyon habang nananatiling mahigpit ang seguridad sa paligid ng Senado matapos ang insidente ng putukan na nagdulot ng alarma sa loob ng institusyon.














