Pinalalakas ng administrasyon ang mga upskilling at labor programs upang mas maraming Pilipino ang makahanap ng trabaho, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paglulunsad ng programang “Trabaho at Negosyo” ng GoNegosyo sa Pasay City nitong Biyernes.
Sinabi ng Pangulo na patuloy na palalawakin ng pamahalaan ang mga programang nakatuon sa upskilling, reskilling, at enterprise-based training upang matulungan ang mga manggagawa at job seekers na makasabay sa nagbabagong ekonomiya at teknolohiya.
Ayon kay Marcos, kinikilala ng pamahalaan ang mga hamong kinakaharap ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) tulad ng kakulangan sa kapital, limitadong access sa merkado, at mabilis na pagbabago sa digital na mundo.
Kasabay nito, aminado ang Pangulo na marami pa ring Pilipino ang nahihirapang makahanap ng trabahong akma sa kanilang kakayahan at pinag-aralan.
“Kasabay nito, marami ring mga kababayan natin ang nahihirapang makahanap ng trabaho—lalo na iyong mga tumutugma sa kanilang kakayahan at kanilang pinag-aralan,” ani Marcos.
Dagdag pa niya, layunin ng programa na magbigay ng inspirasyon, suporta at mas maraming oportunidad sa mga negosyante at naghahanap ng trabaho.
Binigyang-diin din ng Pangulo na hindi dapat katakutan ang teknolohiya, bagkus ay dapat itong samantalahin upang mapabuti ang kakayahan ng mga manggagawa.
“Panatilihin lang natin ang tiwala sa ating mga sarili, huwag matakot sa teknolohiya, pagbutihin ang ating mga kakayahan, at samantalahin ang pagkakataon na dumadating sa atin,” ani Marcos.
Ayon sa Pangulo, nasa humigit-kumulang 2,300 job fairs ang isinagawa ng pamahalaan noong nakaraang taon kung saan nasa 74,000 job seekers ang agad na natanggap sa trabaho.
Ngayong Enero naman, sinabi niyang 47 job fairs na ang naisagawa kung saan higit 2,400 aplikante ang natanggap agad sa trabaho.
Hinimok din ni Marcos ang publiko na samantalahin ang mga programang inaalok ng pamahalaan at pribadong sektor tulad ng job fairs, mentoring sessions, at mga learning programs upang mapalakas ang kanilang kakayahan sa trabaho at negosyo.
Ayon sa Pangulo, ang pagpapalakas ng kasanayan ng mga manggagawa at paglikha ng mas maraming trabaho ay mahalagang hakbang upang mapatatag ang ekonomiya at kinabukasan ng bansa.













