Sinalubong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong araw ng Lunes, Marso 23, ang mga Pilipinong repatriado mula sa Middle East dahil sa tumitinding tensyon sa rehiyon.

Umabot sa 343 na pasahero ang sakay ng charter plane, kabilang ang 317 overseas Filipino workers (OFWs) at 26 na dependents. Repatriado sila mula sa iba’t ibang bansa sa Gitnang Silangan tulad ng Saudi Arabia, Kuwait, Qatar, at Bahrain.

Ang mga OFWs ay bibigyan ng pinansyal na tulong, serbisyong medikal, at suporta para sa reintegrasyon upang masiguro ang kanilang kaligtasan at kaginhawaan pagbalik sa bansa.

Ayon sa pamahalaan, sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW), aktibong pinapauwi ang mga OFWs mula sa rehiyon dahil sa seguridad. Mula sa simula ng buwang ito, libu-libong OFWs na ang ligtas na naibalik sa Pilipinas, habang marami pa rin ang naghihintay ng tulong para sa repatriation.

Advertisement

Bagaman may tensyon sa Gitnang Silangan, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na walang ipinatutupad na deployment ban para sa mga OFWs sa rehiyon.

Advertisement