Pormal nang binuksan ng Pilipinas at Estados Unidos ngayong Lunes ang taunang Balikatan Exercises 2026 na lalahukan ng mahigit 17,000 tropa mula sa iba’t ibang bansa.

Sa seremonya ng pagbubukas, idineklara ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief General Romeo Brawner Jr. ang opisyal na pagsisimula ng Balikatan 41-2026.

Ayon kay Brawner, layunin ng ehersisyo na ipakita hindi lamang ang kahandaan ng mga puwersa kundi pati ang kanilang matibay na pagtutulungan sa pagtatanggol kung kinakailangan.

Bukod sa Pilipinas at Estados Unidos, makikilahok din ang mga tropa mula sa Australia, Canada, France, Japan, at New Zealand, habang may espesyal na partisipasyon ang United Kingdom.

Advertisement

Mayroon ding hindi bababa sa 17 iba pang bansa na inaasahang magsisilbing observers sa nasabing aktibidad.

Isasagawa ang mga pagsasanay sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula Luzon hanggang Mindanao, na sasaklaw sa air at missile defense, maritime security, live-fire exercises, at joint readiness operations.

Kabilang din sa programa ang humanitarian at civic assistance activities tulad ng pagpapatayo ng paaralan, suporta sa serbisyong pangkalusugan, at pagpapalakas ng disaster preparedness sa mga komunidad.

Sinabi ni Brawner na ang pinalawak na saklaw ng Balikatan ay sumasalamin sa nagbabagong security environment sa rehiyon.

Dagdag pa niya, ang ehersisyo ay hindi na lamang bilateral kundi isang multilateral na pagsisikap upang mapahusay ang interoperability at collective defense capabilities ng mga kalahok na bansa.

Iginiit din na ang Balikatan 2026 ay nakabatay sa paggalang sa international law, soberanya ng bawat bansa, at layuning mapanatili ang isang malaya at bukas na Indo-Pacific region.

Advertisement