Photo© web

Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na may sapat na coverage ang kanilang mga miyembro para sa mga sakit na dulot ng matinding init ngayong dry season.

Ayon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), maaaring magamit ang inpatient benefit packages sa lahat ng accredited hospitals para sa mga karaniwang sakit tuwing tag-init upang mabawasan ang gastusin ng mga pasyente.

Kabilang sa mga sakop ang heat stroke, heat exhaustion, heat collapse, heat cramp, at sunstroke na may halagang ₱12,675, gayundin ang heat fatigue at iba pang epekto ng init na umaabot sa ₱18,135, at moderate hanggang severe dehydration na may coverage na ₱7,800.

Sakop din ng benepisyo ang iba pang karaniwang sakit tulad ng bulutong, typhoid fever, sore eyes o conjunctivitis, acute gastroenteritis, at pagkalason mula sa mga lamang-dagat gaya ng jellyfish at shellfish.

Advertisement

Dagdag pa ng ahensya, sakop din ng Outpatient Emergency Care Benefit (OECB) package ang mga emergency cases, kabilang ang heat-related illnesses, na maaaring ma-avail sa mga Level 1 hanggang 3 na ospital.

Ayon kay PhilHealth President at CEO Edwin M. Mercado, layunin ng programa na matiyak ang agarang access sa serbisyong medikal at mapalakas ang pinansyal na proteksyon ng mga miyembro sa oras ng pangangailangan.

Samantala, nagbabala ang Department of Health (DOH) na tumataas ang panganib ng heat exhaustion at heat stroke tuwing dry season, na maaaring maging malubha kung hindi agad maagapan.

Pinayuhan ng DOH ang publiko na uminom ng sapat na tubig, iwasan ang matinding sikat ng araw lalo na mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, at magsuot ng magaan at preskong damit upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng init.

Advertisement