Iginiit ng Philippine Embassy sa France na hindi ito maaaring kumilos sa paraang lalabag sa soberanya ng host country kaugnay ng ulat na si dating Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co ay nasa France at naghain ng asylum.
Ayon kay Ambassador Ed De Vega, obligado ang embahada na sumunod sa international law kaya’t hindi ito maaaring basta magsagawa ng pag-aresto sa sinumang Pilipino sa France, alinsunod sa umiiral na diplomatic protocols.
Ipinaliwanag niya na tulad din sa French Embassy sa Maynila, wala ring kapangyarihan ang mga embahada na magsagawa ng police operations o mang-aresto sa loob ng host country.
Dagdag pa ng ambassador, nauunawaan ng embahada ang pag-aalala ng publiko ngunit dapat dumaan sa tamang proseso at diplomasya ang anumang hakbang ng pamahalaan.
Sinabi rin niya na ang mga susunod na opisyal na pahayag ay magmumula na sa Office of the President.
Samantala, nauna nang kinumpirma ng mga opisyal ng Pilipinas sa Prague na wala na sa kustodiya ng Czech authorities si Co, habang nilinaw ng Department of Foreign Affairs na kinansela na ang kanyang regular at diplomatic passports noong Disyembre 2025 at naiulat na ito sa International Criminal Police Organization (Interpol).













