Inihayag ng Philippine Embassy sa Paris na may matibay na dahilan ang pamahalaan upang maniwalang nasa France si Zaldy Co at posibleng may mga ari-arian doon, ngunit nilinaw na wala silang kapangyarihan upang imbestigahan o arestuhin siya.

Ayon kay Ambassador Eduardo de Vega, wala pang kumpirmadong sighting kay Co sa France, bagama’t may mga impormasyong nagsasabing naroon siya at umano’y naghahanap ng asylum.

Ipinaliwanag ni De Vega na hindi maaaring magsagawa ng surveillance ang mga opisyal ng Pilipinas sa nasabing bansa dahil ito ay labag sa batas at maaaring maglabag sa soberanya ng France.

Aniya, ang anumang aksyon laban kay Co ay dapat idaan sa pamahalaan ng France, na may tanging kapangyarihan sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa kanilang teritoryo.

Advertisement

Dagdag pa niya, hindi rin basta-basta naglalabas ng impormasyon ang French authorities dahil sa umiiral na mahigpit na privacy laws sa bansa.

Binigyang-diin din ni De Vega na kahit may warrant of arrest laban kay Co, kinakailangan pa rin itong iproseso sa pamamagitan ng mga internasyonal na mekanismo tulad ng Interpol at pakikipag-ugnayan sa host government.

Sinabi rin niya na kahit makita si Co ng mga opisyal ng embahada o ng Filipino community sa France, wala pa rin silang legal na kapangyarihan upang siya ay arestuhin.

Idinagdag pa ni De Vega na posibleng dumaraan sa legal na proseso sa France ang anumang hakbang kaugnay kay Co, lalo na kung may isinumite itong asylum request.

Advertisement