Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS na posibleng tumaas pa ang aktibidad ng Kanlaon Volcano matapos mamataan ang crater glow o “banaag” sa bunganga nito.

Ayon sa advisory ng PHIVOLCS nitong Lunes, ang crater glow ay dulot ng superheated volcanic gas at maaaring indikasyon na malapit na sa bunganga ang magma, na posibleng magdulot ng mas mataas na antas ng volcanic unrest.

Naitala noong gabi ng Mayo 10 ang unang pagkakataon ng incandescence o liwanag mula sa bunganga ng bulkan batay sa obserbasyon ng Kanlaon Volcano Observatory.

Dahil dito, sinabi ng PHIVOLCS na posibleng itaas sa Alert Level 3 ang status ng bulkan na kasalukuyang nasa Alert Level 2, na nangangahulugang may moderate volcanic unrest.

Advertisement

Nagbabala rin ang ahensya na kung magkakaroon ng pagputok ang bulkan, maaari itong magdulot ng pyroclastic density currents, ashfall, lava flows, at iba pang mapanganib na volcanic hazards.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4-kilometer Permanent Danger Zone sa paligid ng bulkan.

Pinapayuhan naman ng PHIVOLCS ang mga lokal na pamahalaan at residente sa mga apektadong lugar na maging handa sa posibleng evacuation sakaling lumala pa ang sitwasyon.

Advertisement