Naglabas ng advisory ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Miyerkules, Abril 22, 2026, matapos maitala ang pagtaas ng seismic activity sa Bulkang Bulusan na nag-udyok sa pagtaas ng Alert Level 1 o low-level unrest.

Ayon sa Phivolcs, umabot sa 101 volcano-tectonic (VT) earthquakes ang naitala mula alas-4:50 ng umaga, na iniuugnay sa pagbitak ng mga bato sa ilalim ng bulkan, partikular sa layong 2.5 kilometro mula sa hilagang bahagi ng Bulusan.

Bagamat nananatiling mahina hanggang katamtaman ang degassing activity mula sa summit crater at mga aktibong vent, at nasa 75 tons kada araw ang sulfur dioxide emissions batay sa datos noong Abril 9, sinabi ng ahensya na ang pagdami ng lindol ay maaaring indikasyon ng shallow hydrothermal processes.

Ipinaliwanag ng Phivolcs na ang ganitong kondisyon ay maaaring magdulot ng steam-driven o phreatic eruptions sa bunganga ng bulkan.

Advertisement

Dahil dito, itinaas ang Alert Level 1, na nangangahulugang may posibilidad ng phreatic eruptions sa Bulusan.

Pinayuhan naman ang publiko na maging mapagmatyag at umiwas sa mga mapanganib na lugar dahil sa posibleng banta ng pyroclastic density currents (PDCs), ballistic projectiles, rockfall, avalanches, at ashfall sa mga apektadong komunidad.

Advertisement