Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na namataan ang pyroclastic density currents (PDCs) o “uson” na bumababa sa mga dalisdis ng Mayon Volcano sa Albay ngayong Martes ng umaga, kasabay ng patuloy na aktibidad ng bulkan.

Ayon sa PHIVOLCS, ang naturang PDCs ay bunsod ng pagguho ng lava flow at bumaba sa southwestern slopes ng bulkan. Nairekord ng Mayon Volcano Observatory at PHIVOLCS Quick Response Team ang mga pangyayari sa pagitan ng 7:19 a.m. at 7:26 a.m.

Nanatili sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano, at muling ipinaalala ng ahensya na bawal pumasok sa 6-kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa panganib ng biglaang pagputok, rockfall, at pagdaloy ng lava.

Sa bulletin ng PHIVOLCS, iniulat din ang patuloy na lava effusion at pagdaloy sa Basud, Bonga, at Mi-isi gullies noong Lunes, kasabay ng lava collapse events na naitala bandang gabi.

Advertisement

Naobserbahan din ang 14 volcanic earthquakes, kabilang ang limang volcanic tremors na tumagal ng dalawa hanggang walong minuto. Naitala rin ang 336 rockfall events at tatlong PDC signals sa loob ng 24 oras.

Bukod dito, nakita pa ang crater glow at moderate volcanic plume na umaabot hanggang 1,000 metro at tinatangay sa west-northwest direction.

Binalaan din ng PHIVOLCS ang publiko at mga piloto na iwasan ang paglipad malapit sa bulkan dahil sa posibleng ballistic fragments, lava flows, ash emissions, at iba pang volcanic hazards.

Ayon sa ahensya, maaaring tumagal pa ng ilang linggo ang aktibidad ng Mayon Volcano, ngunit kailangan pa ng masusing pagsusuri bago itaas sa Alert Level 4.

Advertisement