Muling binalikan ni Senator-Judge Pia Cayetano ang ilang insidenteng kinasasangkutan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules.

Sa kanyang interpellation, tinanong ni Cayetano si NBI Director Melvin Matibag tungkol sa insidente ng barilan sa Senado noong Mayo, kung saan nagkaroon ng warning shots sa pagitan ng mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA) at mga ahente ng NBI.

Ayon kay Matibag, wala siya sa lugar nang mangyari ang insidente dahil nasa isang hotel siya para sa aktibidad ng NBI. Ipinaliwanag din niya na nagtungo sa GSIS Building ang mga ahente ng NBI upang tiyakin ang seguridad ng lugar matapos umano itong hilingin ni GSIS President Jose Arnulfo “Wick” Veloso.

Gayunman, itinuro ni Cayetano na matatagpuan din sa GSIS Building ang tanggapan ng Senado. Bilang patunay, ipinakita niya ang screenshot ng address ng Senado mula sa opisyal nitong website.

Advertisement

“Nag-iisa lang naman po ang address namin… yung lugar kung saan nakita yung tao mo, likod lang po iyon ng opisina ni Sen. Loren Legarda,” ani Cayetano.

Kinuwestyon din ng senadora ang pahayag ni Matibag na walang nasaktan sa tangkang pag-aresto ng NBI kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa noong Mayo 11.

Ayon kay Cayetano may video umanong nagpapakita na nasaktan ang isang tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms sa naturang insidente.

“We have a video… Alam po ng lahat ng kasamahan natin na ‘yung OSAA, ‘yung ating personnel ay binugbog. May video po tayo niyan,” dagdag niya.

Nang matapos ang itinakdang oras para sa kanyang pagtatanong, sinabi ni Cayetano na maaari niyang ipakita ang naturang video kung nais itong makita ng iba pang mga senador.

Samantala, sinabi ni Atty. Reginald Tongol, tagapagsalita ng impeachment court, na hindi siya maaaring magbigay ng komento tungkol sa motibo ng mga tanong ng mga senator-judge.

Gayunpaman, ipinaliwanag niya na maaaring layunin lamang ni Cayetano na suriin ang kredibilidad ng testigo.

Dagdag pa ni Tongol, bahagi ng proseso ng korte ang pagtukoy kung mapagkakatiwalaan ang isang testigo at kung gaano kabigat ang maaaring ibigay na halaga sa kanyang mga pahayag.

Advertisement