Nagpakitang-gilas ang mga Pilipinong siklista matapos masungkit ang 1-2 finish sa Stage Three ng MPTC Tour of Luzon 2026 na ginanap mula New Clark City patungong Palayan City Municipal Hall.

Pinangunahan nina Dave Montemayor at Marc Lago ng Go for Gold Philippines ang ikatlong yugto ng karera, kung saan nagtala si Montemayor ng oras na 3:23:09 upang angkinin ang panalo, kasunod si Lago na kapwa may parehong tiyempo. Sumunod si Sumiso Batalan ng Excellent Noodles para sa ikatlong puwesto matapos magtala rin ng kaparehong oras.

Nakakuha si Montemayor ng 15 bonus points para sa kanyang impresibong pagtatapos sa Stage Three, na nagpalakas sa kanyang kampanya sa kabuuang standings.

Samantala, nauna nang nagwagi sa Stage One (150.1 kms) si Ibrahim Yousef Alrefai ng LCW UAE, habang ang Seoul Continental Team ang nanguna sa Stage Two Team Time Trial (43.36 kms).

Advertisement

Nagkaroon din ng insidente nang sumemplang si Alrefai sa Laur matapos mabangga ng support vehicle ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines, ngunit agad din siyang nakabalik sa peloton.

Sa overall team standings, nangunguna ang Go for Gold Philippines sa Team General Classification na may kabuuang oras na 29:07:00, sinusundan ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines (+0:00:11) at Standard Insurance Philippines (+0:00:45).

Advertisement