Natapos na ng Philippine National Police (PNP) Forensic Group ang imbestigasyon sa naganap na pamamaril sa Senado noong Mayo 13 at naisumite na ang kanilang findings sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Ayon kay PNP Forensic Group Director Col. Pierre Paul Carpio, matagumpay nilang naitugma ang iba’t ibang ebidensiya at mga anggulo sa crime scene upang mabuo ang kabuuang pangyayari sa insidente.

Ipinakita rin ng opisyal ang isinagawang 3D scanning sa loob ng Senado, kabilang ang trajectory o direksyon ng mga bala na tumama sa hallway ng gusali. Batay sa kanilang pagsusuri, lahat ng butas ng bala ay nagmula sa mga putok na nangyari sa loob mismo ng Senado.

Gumamit din umano ang forensic team ng tinatawag na “blue box” technology upang mailarawan ang kabuuang setup ng crime scene at kung paano isinagawa ang Scene of the Crime Operations o SOCO.

Advertisement

Nauna nang inilabas ng CIDG ang CCTV footage na nagpapakita umano kay suspended Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca bilang unang nagpaputok ng baril, dahilan upang gumanti ng putok ang isang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ilang oras matapos ang insidente, umalis naman sa Senado si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na noon ay nasa protective custody ng Mataas na Kapulungan habang kinahaharap ang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Advertisement