Umabot sa mahigit ₱4 milyon ang ipinagkaloob ng Philippine National Police (PNP) bilang cash incentives sa 21 civilian informants na ang mga tip ay nagresulta sa pagkakadakip ng mga high-value suspects na sangkot sa mabibigat na krimen.
Pinakamalaking reward na ₱1 milyon ang ibinigay sa isang informant na nagbigay ng impormasyon na humantong sa pag-aresto ng suspek na nahaharap sa 54 kaso ng terrorism financing.
Isa pang informant naman ang tumanggap ng ₱450,000 matapos makatulong sa paglutas ng kaso ng murder, kidnapping, at serious illegal detention for ransom.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mahalaga ang papel ng mamamayan sa pagpapanatili ng kaayusan at pagsugpo sa krimen.
“Sa simpleng pagbabahagi ng impormasyon, nakatulong kayo sa pag-iwas sa kapahamakan, sa pagprotekta ng buhay, at sa pagpapatibay ng ating kampanya laban sa krimen,” ani Nartatez.
Giit pa niya, ang mga ibinigay na insentibo ay pagkilala sa kooperasyon ng publiko at hindi lamang simpleng paglabas ng pondo.
Samantala, muling nanawagan ang PNP sa publiko para sa impormasyon sa mga high-profile fugitives, kabilang sina dating kongresista Zaldy Co at negosyanteng si Atong Ang.
Ayon kay Nartatez, umabot na sa ₱20 milyon ang pabuya para kay Ang, na itinuturing na isa sa mga most wanted persons.
Patuloy din umano ang operasyon ng pulisya laban sa mga naturang indibidwal sa ilalim ng coordinated operational plan, at kumpiyansa ang PNP na maaaresto rin ang mga ito sa lalong madaling panahon.














