Iniutos ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagsasagawa ng independent investigation kaugnay sa alegasyong may mga lokal na pulis na nag-escort sa isang itim na van na umano’y sinasakyan ni Senador Ronald dela Rosa palabas ng Senate compound noong Mayo 14.
Ayon sa PNP, inatasan na ang mga imbestigador na suriin ang iba’t ibang ebidensya tulad ng logbook, CCTV footage, radio dispatches, deployment logs, at body camera footage upang matukoy kung may naganap na hindi awtorisadong pagtulong mula sa mga pulis.
Layunin ng imbestigasyon na maberipika kung may paglabag sa umiiral na mga patakaran at kung may mga personnel na gumamit ng kapangyarihan o kagamitan ng pulisya nang walang kaukulang pahintulot.
Sinabi rin ng PNP na bahagi ng proseso ang pagtukoy kung may pananagutan ang sinumang opisyal o tauhan na posibleng sangkot sa insidente.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na resulta ang PNP habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa naturang alegasyon.














