Itinaas sa full alert status ng Philippine National Police o PNP ang seguridad nitong Miyerkules ng gabi, Mayo 13, matapos makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril sa loob ng ikalawang palapag ng Senado.
Ayon sa PNP, bahagi ng standard security protocol ang pagpapatupad ng full alert status upang matiyak ang kaligtasan ng publiko habang patuloy pang iniimbestigahan ang insidente.
Sa inilabas na pahayag ng pambansang pulisya, sinabi nitong pinaigting ang police presence at security monitoring sa paligid ng Senado matapos ang napaulat na insidente na kasalukuyang bineberipika ng mga awtoridad.
Ipinatupad ang alert status bandang alas-8:30 ng gabi na nagresulta rin sa pagkansela ng leave ng mga pulis at dagdag na deployment ng mga tauhan sa paligid ng gusali ng Senado.
Nauna nang nagtalaga ang PNP ng humigit-kumulang 1,500 pulis upang bantayan ang lugar.
Patuloy namang naka-deploy ang mga awtoridad habang iniimbestigahan pa ang pinagmulan ng mga putok ng baril at ang aktuwal na nangyari sa loob ng gusali ng Senado.














