Nasa 63% ng adult Filipinos ang may tiwala sa Philippine National Police (PNP), habang 61% ang nasisiyahan sa kanilang performance sa unang quarter ng taon, batay sa pinakabagong Tugon ng Masa survey.
Isinagawa ang survey mula Marso 19 hanggang 25, 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents na may edad 18 pataas, kung saan lumabas na 63% ang may tiwala sa PNP at 61% ang nasisiyahan sa kanilang serbisyo.
Ayon sa resulta, pinakamataas ang trust at satisfaction ratings sa Mindanao na umabot sa 74% at 69% ayon sa pagkakasunod, sinundan ng Visayas. Samantala, pinakamababa ang ratings sa National Capital Region (NCR) na nasa 54% para sa trust at 52% para sa performance.
Batay naman sa socioeconomic class, pinakamataas ang tiwala sa PNP sa Class E na may 83%, kasunod ang Class D na 66%, habang pinakamababa sa Class ABC na nasa 42%.
Sa performance ratings, 61% ng respondents ang nasiyahan sa trabaho ng PNP, 20% ang hindi nasiyahan, at 19% ang nananatiling walang matibay na opinyon, na nagresulta sa net performance rating na +41.
Ayon sa survey, mas mataas ang satisfaction sa Mindanao (69%), sinundan ng Visayas (63%) at Balance Luzon (59%), habang pinakamababa muli ang NCR sa 52%.
Sinabi rin sa ulat na ang margin of error ng survey ay ±3% sa national level at ±6% sa mga rehiyonal na saklaw nito.













