Posibleng gamitin ng Philippine National Police o PNP ang video conferencing ng Senado upang matukoy ang kinaroroonan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sakaling aprubahan ang panukalang payagan ang remote participation sa mga sesyon.

Lumitaw ang usapin kasunod ng mainit na debate sa Senado hinggil sa mungkahing amyendahan ang rules ng Mataas na Kapulungan upang payagan ang mga senador na makadalo at makaboto sa pamamagitan ng online video conferencing kahit nasa malayong lugar.

Kinuwestyon ng ilang miyembro ng minority bloc ang panukala dahil maaari umano itong magamit ng mga mambabatas na may kinahaharap na kaso, imbestigasyon, o arrest warrant, kabilang si Dela Rosa na may warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng kasong crimes against humanity.

Gayunman, ayon kay PNP Public Information Office chief P/Col. Allen Rae Co, maaari pa ring makatulong ang remote participation upang matukoy ng mga awtoridad ang lokasyon ng senador gamit ang teleconferencing link o iba pang teknolohiyang gagamitin sa online session.

Advertisement

Samantala, nabanggit din sa diskusyon sa Senado sina Senador Bong Go at iba pang mambabatas na nahaharap sa iba’t ibang reklamo at imbestigasyon.

Advertisement