Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na walang magiging special treatment sa pagpapatupad ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa oras na ito ay tuluyang maisilbi.

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., mananatiling patas at propesyonal ang PNP sa pagtupad ng kanilang mandato kahit pa dating naging hepe ng pambansang pulisya si Dela Rosa.

Sinabi ni Nartatez na gagawin ng PNP ang kanilang tungkulin nang walang kinikilingan at walang pinapaboran, maging sa kanilang mga operasyon o sa pagsisilbi ng warrant of arrest.

Dagdag pa niya, patuloy na inihahanda ng PNP ang kanilang hanay upang mas mapalakas pa ang kanilang kakayahan sa pagpapatupad ng batas at operasyon.

Advertisement

Binigyang-diin din ng opisyal na mahigpit ang koordinasyon ng PNP sa Department of Justice (DOJ) at iba pang law enforcement agencies upang matiyak na maayos at naaayon sa batas ang pagpapatupad ng warrant.

Sa kasalukuyan, wala pang kumpirmasyon kung kailan eksaktong maisisilbi ang arrest warrant laban kay Dela Rosa kaugnay ng kasong kinahaharap nito sa ICC.

Advertisement