Magpapatuloy sa Lunes, Hunyo 22, ang pre-trial conference para sa impeachment case ni Sara Duterte matapos hindi pa makumpleto ng magkabilang panig ang pagmamarka at pagsusuri sa lahat ng kanilang ebidensya.
Ito ang kinumpirma ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense panel ng Bise Presidente, matapos ang isinagawang closed-door pre-trial conference.
Ayon kay Poa, natapos pa lamang nilang markahan ang mga ebidensya para sa isang artikulo ng impeachment, habang may tatlo pang artikulo ang kailangang talakayin bago tuluyang magsimula ang paglilitis.
Kabilang sa Article III of the impeachment complaint against Sara Duterte ang mga alegasyon ng bribery, graft and corruption, paglabag sa Konstitusyon, at betrayal of public trust laban sa Bise Presidente.
Umaasa ang defense team na matatapos ang proseso sa Lunes, ngunit handa rin umano silang ipagpatuloy ito sa Martes kung kinakailangan. Ipinaliwanag ni Poa na mahirap pang tukuyin ang eksaktong pagtatapos ng pre-trial dahil sa dami ng mga dokumentong kailangang suriin at markahan.
Sa kabila nito, naniniwala ang kampo ni Duterte na posible pa ring masunod ang target na pagsisimula ng impeachment trial sa Hulyo 6.
Samantala, nagkasundo na rin umano ang depensa at prosekusyon sa kani-kanilang listahan ng mga testigo. Tinatayang nasa 25 hanggang 30 testigo ang maaaring iharap ng kampo ni Duterte, kabilang ang ilang reserve witnesses.
Nilinaw rin ni Poa na normal lamang ang mga pagtatalo at diskusyon sa pagitan ng depensa at prosekusyon sa yugto ng pre-trial at wala umanong personal na alitan sa pagitan ng dalawang panig.














