NAGA CITY- Patay ang isang inmate matapos paputukan ng baril ang sariling ulo habang nasa loob ng Millennium Tower Building, Provincial Jail and Penal Farm sa Brgy Tinangis, Pili, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Melchor Salire, 27-anyos.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), nabatid na pagmamay-ari ng isa sa mga Provincial Guard ang naturang baril na pansamantalang naiwan nito sa kanyang pwesto habang nasa loob ng bag.
Nakarinig nalang umano ng putok ng baril ang iba pang Provincial Guards at ng tingnan, doon na tumambad ang katawan ng biktima na may tama ng bala sa kanyang ulo.
Ang naturang biktima ang may kasong rape habang matagal na ring kinokonsidera bilang trusted detainee.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang pangyayari.