Inaasahang muling bababa ang presyo ng langis sa susunod na linggo batay sa unang apat na araw ng trading sa pandaigdigang merkado, ayon sa oil industry estimates.
Batay sa monitoring ng global oil trading, posibleng makaranas ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo, kung saan inaasahang bababa ng ₱18.50 kada litro ang diesel, ₱3.50 kada litro ang gasolina, at ₱3.00 kada litro ang kerosene.
Kung matutuloy, ito na ang ikalawang sunod na linggong rollback matapos ang limang sunod na malaking pagtaas ng presyo na nag-angat sa diesel ng halos ₱90 kada litro mula nang magsimula ang tensyon sa Middle East.
Ayon sa mga ulat, ang inaasahang pagbaba ay sumasalamin sa galaw ng pandaigdigang merkado ng langis sa unang bahagi pa lamang ng trading week, kaya posible pang magbago depende sa susunod na galaw ng presyo sa international market.













