Kumpiyansa ang prosecution team na maipiprisinta nila ang kanilang mga testigo at ebidensiya sa nalalapit na impeachment trial sa kabila ng inaasahang mga procedural at technical objections mula sa kabilang panig.
Sa panayam kay Atty. Benjamin Tolosa, Impeachment Prosecution Legal Spokespersn, pinapayagan ng umiiral na mga alituntunin ang presentasyon ng mga testigong hindi agad naihayag sa pre-trial brief sa ilang pagkakataon, kabilang na kung may lehitimong security concerns o kung hindi pa makatwirang nalalaman ang pagkakakilanlan ng testigo noong panahon ng pre-trial.
Iginiit ng kampo na karamihan sa mga dokumentaryo at testimonial na ebidensiyang kanilang ihaharap ay nauna nang naisumite at nakapaloob sa mga dokumentong naipagbigay-alam sa kabilang panig.
Sinabi rin ng prosecution na inaasahan nilang maghahain ng mga pagtutol at iba pang procedural issues ang depensa, subalit nananatili silang nakatuon sa presentasyon ng mga ebidensiyang anila’y magpapatibay sa kanilang kaso.
Samantala, nagpapatuloy ang koordinasyon sa Secretariat ng impeachment court upang mapabilis ang paghahanda para sa paglilitis.
Layunin ng mga kinauukulan na maging maayos at episyente ang pagdinig sa kaso sa sandaling magsimula ang aktuwal na trial proceedings.
Ipinahayag naman ng prosecution ang kanilang kahandaan na iharap ang mga testigo at dokumentong kanilang pinaniniwalaang mahalaga sa pagresolba ng usapin sa impeachment court.














