Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong humihiling ng repatriation mula sa Middle East dahil sa umiigting na tensyon sa rehiyon, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), umabot na sa 1,451 ang kabuuang repatriation requests mula sa overseas Filipinos (OFs), kung saan 945 na ang naaksyunan habang 506 pa ang nakabinbin.
Pinakamaraming kahilingan ay mula sa Dubai na may 594 requests, kung saan 317 na ang na-repatriate o natulungan at 277 pa ang pending. Sumunod ang Doha na may 246 requests, kung saan 144 na ang naasikaso at 102 pa ang nakabinbin.
Patuloy na mino-monitor ng DFA, sa pamamagitan ng kanilang Foreign Service Posts, ang sitwasyon sa Gitnang Silangan sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan at mga airstrike sa ilang lugar kahit may umiiral na pansamantalang ceasefire.
Ayon pa sa Philippine Consulate General sa Dubai, may karagdagang 200 pang pending repatriation assistance requests, habang umaabot na sa 1,478 Pilipino ang naibalik o natulungan na sa kabuuan.
Nakatakda rin ang isa pang repatriation flight sa Abril 13 bilang bahagi ng patuloy na assistance ng pamahalaan sa mga apektadong Pilipino.
Iniulat din ng DFA ang mga insidente ng missile strike at drone interception sa United Arab Emirates noong Abril 7 at 8, na lalo pang nagpapataas ng pangamba sa seguridad sa rehiyon.
Tiniyak ng DFA na naka-alerto ang lahat ng Philippine foreign service posts sa Middle East upang patuloy na bantayan at tulungan ang mga Pilipino na nangangailangan ng agarang repatriation at proteksyon.














