Nanindigan si dating House Speaker Martin Romualdez na hindi siya papayag na gawing scapegoat o fall guy sa mga alegasyon ng katiwalian sa gobyerno at nanawagan na pagbatayan ang mga ebidensya sa imbestigasyon.
Ayon sa dating House Speaker, nauunawaan niya ang galit ng taumbayan kaugnay ng umano’y ninakaw na pondo ng bayan, ngunit dapat umanong malinaw kung saan talaga nakaturo ang mga ebidensya at kung sinu-sino ang mga pangalang lumalabas sa mga sworn testimonies at affidavits.
Giit pa ni Romualdez, bilang dating lider ng Kamara, hindi maaaring maging selective o piling-panagot lamang ang pananagutan, kaya’t dapat umanong tutukan nang seryoso ang lahat ng sangkot.
Ibinunyag din niya na ang kanyang ilang buwang pananahimik, na aniya ay dahil sa paggalang sa rule of law, ay sinasamantala ngayon upang makabuo ng mga “fabricated narratives” laban sa kanya.
Tinukoy rin ng dating mambabatas ang umano’y paggamit o “weaponization” sa ilang indibidwal, kabilang si Zaldy Co, upang isulong ang interes ng ilang grupo laban sa kanya.
Nagbanta rin si Romualdez na hindi siya mananahimik at iginiit na marami siyang nalalaman hindi lamang sa kasalukuyang administrasyon kundi maging sa mga nakaraang pamahalaan.
Sa huli, direktang umapela ang dating House Speaker sa Office of the Ombudsman na tutukan ang mga dokumento at ebidensya, at idaan sa tamang proseso ang imbestigasyon sa halip na umasa sa public pressure o shortcuts.












