Inatasan ng Sandiganbayan Third Division ang agarang beripikasyon sa kalagayan ng kalusugan ni dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo matapos umanong hindi ito makadalo sa nakatakdang bail hearing kaugnay ng kasong malversation.

Iniutos ni Associate Justice Karl Miranda na bisitahin ng medical officer ng korte si Bernardo sa Asian Hospital and Medical Center upang alamin kung ang kanyang kondisyon ay sapat na dahilan para sa hindi pagdalo sa pagdinig sa Abril 23.

Ayon sa prosekusyon, si Bernardo ay “indisposed” at may mga sakit na chronic rhinosinusitis, follicular pharyngitis, at acute bronchitis. Batay sa medical certificate, kinakailangan niya ng hindi bababa sa limang araw na bed rest.

Aalamin ng korte kung ang mga karamdaman ay sapat na dahilan upang hindi siya makapagpatotoo nang personal sa ilalim ng panunumpa. Inatasan si Dr. Warlin Basuel, Medical Officer IV ng Sandiganbayan, na kumpirmahin ang aktwal na pagkaka-confine ni Bernardo at magsumite ng ulat sa loob ng araw.

Advertisement

Nagbabala ang korte na kung mapatunayang hindi makatwiran o “feigned” ang sinasabing sakit, maaari itong magresulta sa pagpapatupad ng compulsory processes, kabilang ang pag-isyu ng warrant of arrest o pag-cite for indirect contempt.

Nauna nang tumestigo si Bernardo na nakatanggap siya ng umano’y P10-milyong “balato” taun-taon mula kay Zaldy Co sa pamamagitan ng isang dating opisyal ng DPWH-Mimaropa, kaugnay ng isyu ng umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Advertisement