Ibinahagi ng isang abogado na ang paglabas ng Sandiganbayan ng warrant of arrest laban sa isang akusado kaugnay ng mga kasong graft at plunder matapos makitang may sapat na batayan para sa pagkakaroon ng probable cause.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Abelardo C. Quilaton Jr. (Legal Practitioner, Ceo – Quilaton Law Office), ipinaliwanag nito na ayon sa korte, ang naturang hakbang ay hindi nangangahulugan ng hatol na may sala kundi isang proseso lamang upang maiharap sa paglilitis ang akusado.

Ipinaliwanag sa ilalim ng Saligang Batas ng Pilipinas na ang lahat ng akusado ay nananatiling inosente hanggang mapatunayan ang pagkakasala sa pamamagitan ng ebidensyang lampas sa makatwirang pagdududa. Ang probable cause ay nagsisilbing panimulang pamantayan upang matukoy kung may sapat na basehan para isulong ang kaso sa hukuman.

Sa usapin ng batas, ang graft ay tumutukoy sa mga tiyak na gawa ng korupsiyon at walang itinakdang minimum na halaga, samantalang ang plunder ay kinabibilangan ng pagtipon ng ill-gotten wealth na hindi bababa sa ₱50 milyon. Dahil dito, mas mabigat ang parusa at proseso sa mga kasong plunder kumpara sa graft.

Advertisement

Sa ilalim ng umiiral na patakaran, ang graft ay karaniwang bailable habang ang plunder ay maaaring hindi magpiyansa lalo na kung matibay ang ebidensya ng prosekusyon. Gayunman, maaaring maghain ng mosyon para sa bail sa plunder kung mapapatunayang mahina ang ebidensya laban sa akusado.

Ang kasong plunder ay may kaparusahan na reclusion perpetua, na may saklaw na 20 taon at 1 araw hanggang 40 taon na pagkakakulong. Patuloy namang nakasalalay sa desisyon ng korte ang mga restriksyon tulad ng hold departure order at iba pang kondisyon habang dinidinig ang kaso.

Advertisement