Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat ang suplay ng langis sa bansa at walang planong mag-order ng karagdagang fuel sa kabila ng panibagong taas-presyo ng mga produktong petrolyo na ipinatupad ngayong Martes, Mayo 5.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, hindi kinakailangan ang panibagong order ng fuel dahil may sapat na reserba ang bansa at limitado rin ang kapasidad ng storage facilities. Aniya, umaabot na sa 150 milyong litro ng diesel ang naiproseso at ginagamit bilang buffer supply.
Batay sa datos ng DOE, may sapat na suplay ang bansa na tatagal ng 53.71 araw. Kabilang dito ang gasolina na may 52.64 araw na suplay, diesel na may 54.58 araw, kerosene na aabot sa 166.67 araw, jet fuel na may 71.14 araw, fuel oil na may 62.69 araw, at liquefied petroleum gas (LPG) na may 40.46 araw na suplay.
Gayunman, inaasahang tataas din ang presyo ng LPG ngayong buwan ng P1.33 kada kilo, na katumbas ng P13.42 na dagdag sa bawat 11-kilogram cylinder.
Sa usapin ng kuryente, sinabi ni Garin na suportado ng DOE ang panukalang alisin ang value-added tax (VAT) upang mapababa ang bayarin ng mga konsyumer, bagamat nasa Department of Finance ang pinal na desisyon hinggil dito.
Samantala, tiniyak din ng DOE na sapat ang suplay ng kuryente sa bansa kahit sa gitna ng matinding init ng panahon. Patuloy umanong mino-monitor ng ahensya ang demand upang maiwasan ang anumang kakulangan sa suplay.














