Naglabas na ng listahan ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng mga online lending platform na iligal na nag-o-operate sa bansa at walang pahintulot mula sa kanilang ahensya at sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon sa SEC, patuloy ang kanilang pagbibigay babala sa publiko laban sa dumaraming iligal na online lending applications na nag-aalok ng pautang sa internet.
Sinabi ng ahensya na ang mga naturang platform ay hindi awtorisadong mag-operate dahil wala silang rehistro o permit mula sa SEC at BSP.
Hinikayat din ng komisyon ang publiko na agad i-report sa kanilang tanggapan ang anumang operasyon ng kahina-hinalang online lending apps upang agad itong maaksyunan.
Magugunitang marami nang reklamo ang natanggap ng SEC mula sa mga indibidwal na umano’y nabiktima ng mga iligal na online lending platform.
Kabilang sa mga reklamong iniuulat ng mga biktima ang mataas na interes, pangha-harass, at iba pang mapang-abusong paraan ng paniningil.
Dagdag pa ng SEC na nakikipag-ugnayan sila sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mapabilis ang imbestigasyon at pagsasagawa ng kaukulang aksyon laban sa mga iligal na online lending operators.









