Hiniling umano ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na ilagay siya sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP), ayon kay Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca.
Sa isang panayam nitong Huwebes, sinabi ni Aplasca na personal niyang narinig ang kahilingan ng senador sa isinagawang pagpupulong kasama sina PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. at Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Ayon kay Aplasca, isinagawa ang pagpupulong matapos ang tensyon at kaguluhang naganap sa Senado noong Miyerkules.
Matatandaang napaulat na umalis si Dela Rosa sa Senado madaling araw ng Huwebes, ilang oras matapos makarinig ng umano’y putok ng baril sa paligid ng gusali kasabay ng pagpapatupad ng lockdown sa lugar.
Nauna nang nilinaw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala siyang inilabas na direktiba upang arestuhin ang senador.
Si Dela Rosa ay nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Noong Lunes, inilagay sa protective custody ng Senado si Dela Rosa matapos subukang ipatupad ng National Bureau of Investigation (NBI) ang arrest warrant laban sa kanya.














