Opisyal nang itinuturing na suspek si Senador Ronald dela Rosa sa nagpapatuloy na kasong crimes against humanity sa International Criminal Court matapos ikinumpirma ng Office of the Prosecutor (OTP) ang paglalabas ng arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng war on drugs campaign sa Pilipinas.

Sa pahayag ng OTP, ikinalugod ng tanggapan ang paglabas ng warrant, na tinawag nilang mahalagang hakbang sa patuloy na paghahanap ng pananagutan sa mga umano’y pagpatay sa ilalim ng anti-drug campaign ng nakaraang administrasyon.

Ayon sa ICC Prosecutor, ang sekretong arrest warrant ay inisyu noong Nobyembre 6, 2025, at kalaunan ay inutos ng Pre-Trial Chamber I na gawing “public” mula sa pagiging confidential nito. Ipinaalam din umano ito sa mga kinauukulang awtoridad sa Pilipinas.

Sinabi pa ng OTP na ipagpapatuloy nila ang pakikipag-ugnayan sa Registry at iba pang stakeholders upang mapabilis ang pagsisilbi ng warrant at ang proseso ng kaso.

Advertisement

Batay sa mga findings ng prosekusyon, may “reasonable grounds” upang paniwalaang si dela Rosa, bilang dating hepe ng Philippine National Police at dating Davao City police official, ay may pananagutan bilang umano’y co-perpetrator sa mga pagpatay sa kasagsagan ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nananatiling mainit ang isyu sa bansa kasabay ng mga ulat ng tangkang pag-aresto at mga legal na hakbang na isinasagawa ng kampo ni dela Rosa sa mga korte sa Pilipinas.

Advertisement